Hindi lang Sex, Hindi lang Condom
March 1st, 2009 by caffeine_sparks
Malinaw ang nilalaman ng Reproductive Health bill na ngayo’y nakasalang sa Kongreso. Hindi lamang ito patungkol sa sex at condom. Higit sa lahat ito’y tunkgol sa mga tao at ang pagbibigay ng kakayanan sa mga ina’t ama at ang kanilan mga anak sa buhay ng nararapat.
Tayong lahat ay nalalayong itaguyod ang buhay. Ang dapat nating tanungin sa ating mga sarili – anong klaseng buhay ang nais natin habang tayo’y nasa mundong ibabaw? Anong klaseng kinabukasan ang ating ipamamana sa mga kabataang aani ng ngayon?
Ang Reproductive Health bill ay di dagliang solusyon sa lahat ng suliranin ng ating lipunan, ngunit ito’y isang simula. Tinutugunan nito ang ang payak at ang pinakamahalaga. Higit sa lahat, tinutugunan nito ang pangangailangan ng kapos.
Ang Katotohanang ng Pag-aanak
Ang bawat bata ay may karapatang ipanganak sa isang malusog na ina. Ngunit araw-araw mahigit sa tatlumpung sanggol ay iniluluwal na ulila. Ang panganganak ay ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga babaeng nasa edad ng pag-aanak. Ayon sa Department of health, mahigit sa kalahati ng maternal deaths ay hindi nai-rerehistro. Madali sanang agapan ang ganitong pagkamatay, ngunit ‘di ito mabisang natutugunan dahil sa pagpapabaya ng ating lipunan.
Kayraming mga kababaihan, lalo na sa hanay ng mga walang kakayanan at kapos, ang nanganganak ng walang tulong ng skilled birth attendants tulad ng doktor o midwife. Halos lahat nga mga babae sa pinakamahirap na strata ng Pilipinas ay nagpahayag ng kawalang access sa reproductive health care. Mahigit lamang sa dalawampung porsiyento sa mga mahihirap na komunidad ang nanganganak ng may skilled birth attendant.
Makailang beses na’ng argumento ng simbahan at ng mga kaparian na ang family planning commodities – tulad ng pills at codonm – ay malayang mabibili sa merkado, kung kaya’t ‘di na kailangan pa ng Reproductive Health policy. Ngunit alam nating lahat na ang merkado ay para lamang sa may kakayanang bumili. Ang isang inang kumikita lamang ng singkwenta pesos kada araw ay pipiling bumili ng pagkain – hindi pills o condom. Ano nga naman ang mabilili ng singkwenta pesos?
Mahigit kalahati sa mga babaeng edad 15 hanggang 49 ay gumagamit ng kahit anong klaseng contraceptive. 62 porsiyento ng mga babaeng kasal sa hanay ng pinakamahihirap na Pilipino ay ‘di gumagit ng kahit anong family planning method.
Tayong mga Pilipinong may kakayanan ay ‘di namumuhay ng isang kahig, isang tuka. Ang tangi lamang nating mai-aambag ay ang pagkilala sa kundisyon ng nakararami.
Sex at mga Kabataan
Gustohin man natin o hindi, ang mga kabataan ay mapusok at mapag-eksperimento. Maraming paraan upang sila’y magkamalay tungkol sa pagtatalik – sa mga kaibigan, mass media at internet. Ayon sa Youth Adolescent Fertility Survey ng UP Population Institute, 20 porsyiento nga mga kabataang edad 15 hanggang 24 ay nakipagtalik na. 40 porsyiento ng pagtatalik ay naganap ng walang contraceptive. Mahigit sa kalahati ng mga kabataang babae ay ‘di gumamit ng kahit anong proteksyon.
‘Di tulad ng sinasabi ng mga malisyoso, ang sexuality education ay ‘di naglalayong ituro sa mga kabataan ang kama sutra. Para sa mga pinakabata, ituturo ang pag-iwas sa sexual predation at abuso. Sa mga nagdadalaga at nagbibinata, ipaliliwanag ang mga pagbabagong emosyonal at pisikal na nagaganap sa kanilang katawan.
Sa ibang lipunan may mga pag-aaral na nagpapatunay na ang sexuality education ay may kakayanang magpaliban ng unang pagkakataon ng pagtatalik sa mga kabataan. Dahil nalalaman nila ang mga responsibilidad na kaakibat ng pagtatalik, pinipili nilang huwag munang mag-sex.
Ang mga magulang sana ang dapat na magturo ng ganitong bagay sa kanilang mga anak. Sa katotohanan nga lamang, mas komportable ang mga teen-ager na pag-usapan ang sex sa kanilang mga kaibigan. Sa isang structured at pormal na environment tulad ng eskwelahan, maaring ituro at talakayin ang sekswalidad kaakibat ng values formation na maglilinang ng pagiging responsableng magulang.
Aborsyon
Ang isang sanggol ay tunay namang kayamanan. Walang tao, higit na isang ina, ang tahasang kikitil ng buhay sa kanyang sinapupunan. Ngunit ang napakapait na desisyong ito ay hinaharap ng halos kalahating milyong mga Pilipina kada taon. Ang estimate na ito ay konserbatibo ‘pagkat ang aborsyon ay ilegal at maraming insidente ng paggawa nito ay ‘di narerehistro.
‘Di malayong mayoridad ng mga babaeng nagpapa-aborsyo ay mahirap, kasal at mga Katoliko. 68 porsiyento ay kasal. 43 porsiyento ay may tatlong anak na, 87 porsiyento ay Katoliko.
Ang isang Reproductive Health policy ay naglalayong pababain ang insidente ng aborsyon sa Pilipinas. Ang family planning ay isang mabisang paraan upang ang bawat mag-asawa ay magkaroon ng kakayanang mag-plano ng pamilya ayon sa kanilang makakaya. Maraming kababaihan ang gustong magkaroon lamang ng 2 o 3 anak, ngunit sa huli ay nagkakaroon ng 4 o 6. 15.7 porsiyento ng mga babaeng kasal ay nagsabing nais nilang mag-espasyo o tumigil na sa pag-aanak, ngunit ‘di nila maabot ang kanilang plano ‘pagkat wala silang kaalaman o pamamaraang mag-access nga family planning services.
Ang bawat bata ay may karapatang lumaki ng may dignidad. Kaninong sala itutuon ang mga batang naglalaro sa kalye o nagtatrabo ng parang matatanda, na dapat sana’y sila’y naglalaro at nag-aaral? Ang kanilang mga magulang? Ang Estado? Ang lipunan?
Populasyon at Kahirapan
May mga pagsusuring naglalahad na tumataas ang insidente ng kahirapan habang lumalaki ang pamilya. Ang insidente ng kahirapan ay 10 porsiyento sa mga pamilyang may isang anak. Tumataas ito hanggang 57 porsiyento para sa mga pamilyang may siyam o sampung anak.
Ang pagkakaroon ng maraming anak na higit sa kakayanan ng mga magulang ay direktang nakaka-apekto sa paggastos sa kalusugan at edukasyon. Dahil dito lalong mahirap na basagin ang cycle ng kahirapan sa Pilipinas.
Paulit-ulit man nating banggiting ang mga statistics, marapat na ibukas laman natin ang ating mga mata upang makita ang katotohanan. Ano ang kakapusan sa mga classroom, mga libro at lapis? Ilang kabataan ang nakapagtatapos ng Grade 6?
Ang edukasyon at kalugusan ay mga yamang maaring makapagpantay sa lawak ng pagitan ng mayayaman at mahihirap sa anumang lipunan. Edukasyon at kalusugan. ‘Di man tayo piliin ng tadhanang ipanganak sa isang marangyang pamilya, ating responsibilidad bilang isang sambayanang makatarungan ang pagbibigay ng ganitong payak ngunit mahalagang na mga elemento sa bawa’t Pilipino. Edukasyon at kalusugan.
Totoong hindi isang malaking populasyon ang dahilan ng kahirapan. Ilang beses na sinasabi ng simbahan at sampu ng mga kaparian na ang yamang tao ay napakahalaga. Sinasabi nilang – mas marami, mas mabuti.
Anong klaseng mga kinabukasan ang inihahain natin sa mga kabataan? Ngayong buwan libo-libo ang magtatapos at lalahok sa pwersang manggagawa. Ano ang kanilang mga oportunidad gayong palagiang napakataas ng unemployment rate?
Sa mga nakaraang taon ang labor supply ay mas mabilis na lumalaki sa labor demand (2.3 % at 1.7 % ayon sa ADB). Hindi sapat na lumalawig ang ekonomiya upang makapag-bigay ng kabuhayan sa mga nagtatapos at lumalahok sa pwersang manggagawa. Ang ‘Development’ ay kumakalap ng isang mabisang kombinasyon ng mga resources. Ang simpleng ‘karamihan’ ng isang sangkap – tulad ng labor – ay ‘di automatikong magbubunga ng kaunlaran.
Ang mabilis na pagtaas ng paglaki ng populasyon ay naka-aapekto sa pag-unlad sa tatlong pamamaraan. Una, hindi nakapag-iipon ang mga Pilipino pagkat nagagastos ang lahat ng kanilang kita. Sa kalahatan, mahirap kumalap ang buong lipunan ng kapital. Ikatlo, ito ay nagpapatuloy ng isang kahig isang tukang pamumuhay.
Malaki man ang populasyon ng nasa edad upang maging produktibo, napakataas rin ng ating ‘Dependency Ratio.’ Sa bawat 10 nagtatrabaho, 7.2 ay mga dependent – mga lolo’t lola, mga malilit na anak. Gayong may 51 milyon na Pilipinong nasa edad na produktibo (15-64 gulang). 4.1 milyon ay walang trabaho at 10 milyon ay undermployed ayon sa NSO Labor Force Survey. Sa katotohanan ngayon ay ang bawat isang produktibong tao ay sumusuporta ng dalawa o tatlong dependents.
‘Di man tayo magpaka-dalubhasa sa kung ano ang ibig sabihin ng maging tao at ang mabuhay sa mundong ibabaw, ‘di naman siguro layunin ng Panginoon na tayo’y makasya na lamang sa isang kahig, isang tuka.
Ang isang Reproductive Health policy ay ‘di sasagot sa bawat suliranin ng ating lipunan, ngunit ito’y pumapailalim sa bawat aspeto ng ating buhay. Ang pamilya ang pinakamahalagang elemento ng isang lipunan. Upang bigyan ng pagkakataong mabuhay na may dignidad ang bawat pamilya, marapat na bigyan natin sila ng layang magplano ng pamilya ukol sa kanilang paniniwala.
Sa “Liham sa mga Kababaihan ng Malolos” sinabi ni Jose Rizal na ang mga kababaihan ang unang naglilinang sa kamalayan ng sambayanan. Siya ay ang unang guro, unang tagpangalaga, unang nagkakalinga. Patatagin natin s’ya at patatataganin natin ang lahat.
Upang mabigyan ang bawat bata ng pagkakataon simula ng kaniyang pagkaluwal sa daigdig, ibigay natin ang mga kondisyong magkakalinga sa kanyang pag-unlad bilang tao.
Sa pangkalahatan, bilang isang sambayanang demokratiko at makatarungan, aani tayo ng henerasyon ng mga Pilipinong handang magsilbi sa kapwa, sa lipunan at sa Panginoon.
Fatal error: Call to undefined function p75HasVideo() in /homepages/39/d169067170/htdocs/voices/wp-content/themes/NewFV/single-default.php on line 57
